Tungkol sa #SaveAngkas at sa Lumalalang Traffic sa Pilipinas

Hindi ako makakapuntang rally today dahil may nauna akong lakad na na-set noong nakaraang linggo pa. Pero para sa mga driver ng Angkas, kasama ninyo ako sa ipinaglalaban ninyo.

Para sa mga nagsasabi na “wag nga kayong sumali sa bandwagon, buti nga may kakumpetsiyon na ang Angkas, e.” Oo, okey ang kumpetisyon. Sige, sabihin na nating hindi mawawalan ng trabaho ang mga dating Angkas drivers kung may lilipatan naman sila. Ito naman ang mga issue ko:

  1. Bagong application process at training na naman para sa mga lilipat. Bagong papeles na kailangan gastusan. Hindi ko sigurado kung paano ang lakaran dito, pero ito ang ginamit kong logic para dito: Kunwari matatanggal ka sa trabaho dahil sabi “hanggang 10,000 lang na empleyado ang meron dapat ang isang kumpanya.” Ibig sabihin ikaw mismo ang maghahanap ng bagong pagtatrabahuan mo.
  2. Bakit sa lahat, Pasko pa? Regalo ng LTFRB sa mga drivers ng Angkas ay “Merry Christmas! Matatanggal na kayo sa Angkas kasi 10,000 na lang ang puwede, kaya lipat na kayo!” Alam ninyo kung bakit nakikiwelga ang Angkas drivers? Baka dahil minahal na nila ang kumpanyang nagbigay sa kanila ng trabaho. Bakit dahil maganda ang pakikitungo sa kanila ng CEO nila? O, ewan ko lang. Hindi ko rin ‘to masasabi . . . basta nakikisama sila ng laban ng kumpanya.
  3. Merong kakumpetisyon ang Angkas, sa totoo lang. Merong SAMPAssenger, OWTO, i-Sabay 24/7, BackRyde Driver (at tingnan ninyo na lang sa Google Play, pero Angkas lang yata ang in-authorize ng DOTr para maging opisyal na motorcycle taxi service). Bakit hindi nila i-authorize ang mga kumpanyang ito? May pamumulitika ba ‘to?
  4. Bakit hindi puwedeng itigil na lang ang pag-hire ng mga driver nila, hanggang 27,000 na lang, gano’n, kaysa tanggalan sila ng bilang ng drivers? Ah . . . para i-regulate? Napapaisip tuloy ako, ano ba ang nasa isip ng LTFRB/DOTr at inaprubahan nila ‘yong bilang na ‘yon sa umpisa pa lang. O baka hinayaan lang nila na dumami ang mag-sign up sa Angkas, tapos ngayon, sasabihin na lang nila na “K, tanggal na kayo sa Angkas, lipat na kayong ibang kumpanya para ma-regulate din namin yung bilang ng motorsiklo sa daan.” Kanino maibabalin ang sisi dahil sa hindi maayos na pagpaplano? Bakit hindi pa inamendahan and Land Transportation and Traffic Code no’ng umpisa pa lang na kitang-kita na may problema tayo sa trapiko?

Gusto ko sanang itanong, sino ang may ari ng mga app na ito? Ayokong maniwala sa tsismis hangga’t walang ebidensiya, pero kung totoo nga kung sino ang may pakana nito . . . ang lungkot niyon. Napakalinis ng layunin ni Angeline Tham, CEO ng Angkas—maging alternatibo sa traffic. Tumulong pa nga sila no’ng nasira ang LRT, e!

Pinagkakitaan na ang malalang traffic sa Pilipinas na dapat naman talaga ay sinosolusyunan. Okey, may mga bagong kumpanya ng motorcycle taxi services . . . pero kumusta ang traffic? Hindi ba dapat, alternatibo lang ‘tong mga motorcycle taxi services na ‘to? Bakit parang ito na ang naging “solusyon” ninyo, DOTr? Dahil sa totoo lang, hindi naman talaga dapat nag-e-exist ang Angkas kung effective lang ang urban traffic management system dito.

Pero hindi, e. Pasikip nang pasikip ang daan.

Dahil ba sa populasyon ng Pilipinas? Tiningnan ko ang files ng Philippine Statistics Authority. Bawat taon, dumadami ang tao. Actually, makikita rin dito na dumarami din ang bilang ng sasakyan kada taon.

Dahil ba sa pababa na down payment para sa presyo ng mga four-wheeler na sasakyan? Napansin ko ‘yon nitong mga nakaraang taon. Mas madali na makakuha ng sasakyan. Alam ko na kung “comfort” lang naman ang pag-uusapan, mas gugustuhin mo nga naman ang malamigan sa sarili mong sasakyan kaysa makipagsiksikan sa bus o mainitan sa jeep. Ang problema kasi rito, hindi na yata sapat ang paraan ng pagre-regulate ng mga sasakyan. Kulang pa rin. Walang silbi kasi ang paggawa nang paggawa ng mga highway at flyover kung tumataas lang din ang bilang ng kotse sa daan araw-araw.

Sa panahon ngayon, papayag na nga ako sa double coding, e. O kaya taasan ang parking at doblehin ang tax ng mga car manufacturers. Siguro dahil biased ako; commuter kasi ako, at hindi ako car owner kaya ko ‘to nasasabi (sorry sa mga may-ari ng sasakyan, sobrang desperado na lang talaga na makakita ng solusyon sa traffic, pero puwede rin kayo mag-offer ng mga solusyon ninyo, comment lang kayo dahil baka may iba kayong naiisip na hindi naiisip ng isang commuter tulad ko). Pero hindi naman ‘to basta-basta lang puwedeng ipatupad kung walang maayos na pampublikong mga sasakyan.

E, sa sitwasyon ngayon, parang ang hirap isuko yung ideya ng pagbili ng sasakyan dahil nga napakagulo ng transportation system natin. Least of my concerns ko na ‘yong mga jeep na nagpapaupo ng sampu kahit waluhan lang, ‘yong mga kaskaserong bus dahil napaparushan naman sila madalas, at ‘yong mga nangongontratang mga taxi dahil napapakapit na lang sila sa patalim at napipilitan silang maka-take advantage dahil sa hirap ng buhay.

Pero heto tingnan ninyo ang imahe sa website na ‘to (click ninyo na lang yung link dahil copyrighted). Kita mo naman ang nagagamit na espasyo ng mga sasakyan kumpara sa bus at bike (na puwedeng maihalintulad sa mga motorsiklo). At aminin natin, na madalas, iisa o dalawa lang ang tao sa isang sasakyan. Nasaan ang maayos na pagre-regulate, aba? Hindi ko na rin babanggitin ang environmental impact ng pagdami ng sasakyan, pero malamang, alam na ninyo ‘yon: kung traffic, malamang, naka-on lang ang motor ng mga sasakyan na nagbubuga ng usok sa kapaligiran. (At babalik ulit tayo sa tanong na “bakit kasi traffic?”)

Ibang usapin na rin ang patigil-tigil na operasyon ng mga tren. Naranasan n’yo na ba na umuwi ng alas-kuwatro mula sa trabaho, pipila ng isa hanggang dalawang oras para maghintay sa tren, tapos ipaggigiitan mo ang sarili mo makapasok sa tren at makauwi lang? Disaster. Sobrang nakakaloka ang pagkokomyut. Pati nga ibang kumpanya, nakitulong na rin, e. May work-from-home na ang karamihan, pero ganyan pa rin. Walang “root cause” dito. Buhol-buhol na problema na ‘to na nangangailangan ng system change. Kailangan lang naming mga commuters malaman kung ano ang plano ng LTFRB/DOTr . . . o kung may plano ba.

Napaka-detached naman kasi ng iilang tao sa gobyerno, e. Wala daw transportation crisis, palibhasa nasa loob sila ng mga sasakyan nila o kaya de-helicopter sila.

What are your thoughts?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.