Si Teacher Jessa

Ang pagtingin ko sa mga guro sa pampublikong paaralan ay lalong tumaas pa. Ang respeto ko sa kanila ay abot langit. Hindi ko akalain na ganito ang ginagawa nila. Mahirap, sobrang hirap.

Sa unang araw ng klase, nagsuot ako ng mataas na takong. Ang sabi kasi nila, dapat maganda ka sa unang araw. Hindi ko naman sinasabi na maganda ang isang tao pag nagsusuot ng takong, pero tingin ko kasi sa sarili ko, maganda ako pag nakasuot ng takong. Wala pa atang isang oras, masakit na ang aking mga paa. Wala pa akong dalang tubig, seryoso pala talaga na manunuyot ang aking lalamunan.

Limampu’t limang estudyante ang tinuturuan ko ngayon. Tatlong beses ko sila tinuturuan sa isang araw: English, Science at Math. Ilang beses na rin ako nanuway na sila ay tumahimik upang makapagumpisa na kami ng klase habang bitbit ko ang sinabi ng aking mga guro na huwag na huwag kang mawawalan ng pasensya sa bata. Marami na akong paraan na tinuro sa kanila, at aksyon na gagawin nila kapag ginawa ko ang ganito at ginawa ko ang ganyan. Yung iba sumusunod, yung iba matagal bago sumunod. Minsan, sobrang nakakatukso sumigaw at magalit. Kapag ganon na ang nararamdaman ko, humihinga ako ng malalim.

Nahimatay ako noong unang Biyernes sa aking pagtuturo sa dyip. Marahil sa sobrang pagod. Mababa daw ang aking BP. Alam ko naman na dahil ito sa sobrang pagod. Naiyak ako isa sa mga araw noong ikalawang linggo. Tingin ko, hindi ako magaling. Tingin ko, hindi ako handang magturo. Tingin ko, hindi ako magaling na guro. Tingin ko, hindi ako karapat-dapat. Naiyak ako dahil parang walang epekto ang mga puyat ko kagagawa ko ng mga lesson plan at visual aids. Unti-unti, parang nawawalan ako ng pag-asa.

Kinausap ko ang aking ina, at sobra ang aking pasasalamat na nakausap ko siya. Inilagay niya ang kanyang kamay sa aking likod at sinabing, “Wag kang susuko, kailangan ka nila.

Umakyat ako sa kwarto at halos maiyak. Naiiyak at naiinis ako sa sarili ko dahil umabot ako sa puntong nawalan ako ng pag-asa. Naiiyak ako dahil halos sumuko ako. Kung tutuusin, ang mga bata ang hindi sumusuko sa akin. Nananatili sila sa paaralan dahil nais nilang matuto sa akin.

Nang maisip ko ito, saka ko naisip ang mga magagandang nangyari. Bigla kong naalala kung gaano sila kasaya nung nageensayo kami kung paano pipila. Bigla kong naalala yung mga kislap sa kanilang mga mata nung pinakita ko sa kanila ang isang eksperiment. Bigla kong naisip yung mga estudyante na sabik na sabik magpakita ng kanilang kwaderno dahil natapos nila ang isang gawain. Naisip ko yung isa kong estudyante na ang sabi sa akin: “Ipapakita ko to kay mama kasi perfect ako!” Naisip ko yung mga estudyante ko noong nagturo ako noong summer na pumupunta pa rin sa silid-aralan ko para bisitahin at magmano sa akin. May isa pa akong estudyante na tinuruan ko noong summer na sinabi sa mga kaklase niya, “Teacher ko yan nung summer! Maganda at magaling yan!” Pati yung mga bulong ng mga bata na naririnig ko pa rin at sabi, “Ang ganda ni teacher.”

Kapag mabilis nilang nasasabi ang “Good morning Teacher Jessa” ay sobra ang kilig na aking nararamdaman. Mula sa dalawa lang ang nakapasa papunta sa labing apat ay walang humpay ang saya. Nung pumunta ako sa labas para umupo, pumunta pa ang aking mga estudyante at sinabing, “Ma’am, ako na magbibitbit ng bag mo.”

Nang iniisip ko ang mga ito, nakalimutan ko na kung bakit nga ba ako halos sumuko.

Naalala ko tuloy ang isa kong estudyante noong unang beses ako nagturo. Ayaw niyang makihalubilo noong una, pero hindi ko na alam kung anong ginawa ko kung bakit unti-unti siyang lumapit sa akin at nagtanong kung paano matutunan ang isang lesson sa algebra at trigonometry. Sobrang tuwa ko noon. Lalo pa noong patapos na ang isang semestre at sinigaw niya sa loob ng aming opisina, “Ma’am, the best kayo!” Pati ang mga sulat na binigay ng aking mga estudyante. Ang isa pa nga nagsabi, “Sana marami pa po kayong mainspire ma’am. Kasi, marami talaga kayong napasaya sa amin.”

Napangiti ako nang maisip ko na mas maraming magandang nangyari. Bakit ako susuko? Bakit ngayon pa kung kailan inuumpisahan ko na magturo sa pampublikong paaralan? Bigla akong napaisip kung bakit ko nga ba kinuha ang propesyong ito sa simula pa lang. Naalala ko ang mga guro ko mula kinder hanggang kolehiyo. Isang bahagi palang ito ng buhay ko sa pagiging guro, isa itong pagsubok na hindi ko dapat sukuan.

Pangarap ko ang magturo sa pampublikong paaralan, bata pa lang ako. Marami na ang pumigil sa akin, pero hindi ako nakinig. Mababa daw ang sahod. Mahirap daw magturo. Ngunit sa kabila ng lahat ng kanilang sinasabi, heto ako. Isa na akong guro sa isang pampublikong paaralan. Hawak ko na ang pangarap ko. Bakit ngayon ko pa ito bibitawan?

Nais kong magpasalamat sa lahat ng taong naniniwala sa akin, at sa aking ginagawa. Nais kong magpasalamat sa mga taong naniniwala sa amin. Kaya ko to. Kaya namin to. Para sa mga bata.

Isang mahalagang bagay ang natutunan ko mula sa dalawang buwan na kami ay hinasa para dito. Ito ay walang iba kundi ang pag-alala kung bakit. Hindi lang sa pagiging guro, ngunit sa lahat ng landas na pinipili mo. Alamin mo kung bakit iyan ang pinili mo.

Isang pagpupugay para sa dalawang taon… At para sa mga bibilangin ko pang taon sa pagtuturo.

What are your thoughts?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.